ALAMAT NG SUHA

ALAMAT NG SUHA

ni James Ian R. Ramos

Marahil maraming nagtatanong kung saan nga ba nagmula ang suha? Saan nanggaling ang pangalang suha at bakit sinasabing kapag nasugatan ang bunga ng suha ay papait ang lasa nito.

Noong unang panahon sa nayon ng Makapal mayroong isang napakagandang babae na nagngangalang Suha halos lahat ng mga kalalakihan sa kanilang nayon ay nais siyang masilayan at mapakasalan. Marami ang humahanga sa angking niyang ganda, kaya’t ito rin ang naging dahilan kung bakit hindi siya pinapalabas ng bahay ng kanyang mga magulang; maging ang kanyang binti at braso ay hindi mo makikitaan ng anumang peklat o kaya naman ay kagat ng lamok. Ang lagi niyang suot ay isang mahabang baro’t saya kahit na tirik na tirik ang araw ay nasa loob lang siya ng kanilang tahanan. Malimit siyang lumabas ng kanilang bahay at karaniwan niyang kasama ang kanyang ina pag siya ay nagpunta sa simbahan upang sumamba.

Madalas na pinagsasabihan si Suha ng kanyang ina at ama na huwag na huwag magtutungo sa bayan ng siya lamang mag-isa. Isang gabi sa pagsilip ni Suha sa bintana ng kanyang silid may narinig siyang ingay mula sa malayo, maraming ilaw na iba-iba ang kulay at mukhang nagkakasiyahan silang lahat. Kaya’t kinabukasan agad namang tinanong ni Suha ang kanyang ina kung ano ang mayroon sa bayan, “Ina, ano po ang meron sa bayan kagabi, bakit po madaming ilaw na iba-iba ang kulay at mukhang nagkakasiyahan sila.” “Ahh yun ba anak, wala yun wala lang magawa ang mga tao sa bayan kaya sila nagkakasiyahan yun kasi ang kanilang libangan dun.” Sabi ng kanyang ina. “Oo nga anak, kaya wag kang pupunta sa bayang mag-isa dahil maraming taong hindi mo kilala at marami sa bayan ang gumagawa ng hindi maganda.” Paalala ng kanyang ama.

Isang araw habang ang ina ni Suha ay nagluluto sa kusina at ang kanyang ama naman ay nasa bukid para magtanim may taong kumatok sa kanilang pinto; pinagbuksan ito ni Suha at nakita niya ang isang makisig na lalaki na may dala-dalang mga gulay, “Maganda umaga po, nandyan po ba si Aling Suma?”sabi ng makisig na lalaki. Pagkakita niya kay Suha ay nabighani agad siya sa kagandahang taglay nito. “Tama nga ang sabi sa bayan na mayroong magandang dalaga ang nakatira sa tahanang ito.” Muling sambit ng makisig na lalaki. “Naku, hindi naman.” Nahihiyang sabi ni Suha. “Ahh teka si ina ba ang hinahanap mo, nagluluto siya teka tatawagin ko lang.” sabi ni Suha. “Wag na magandang binibini nagmamadali na kasi ako, iwanan ko nalang itong mga gulay na binili niya kahapon sa bayan.” sabi ng makisig na lalaki. “Ganun ba salamat, pakiiwan mo na lang at ako na ang bahala sa mga gulay.” Sabi ni Suha.

Kinagabihan, naalala ni Suha ang makisig na lalaki kasi ngayon lang siya nakipag-usap ng ganung katagal sa isang lalaki maliban sa kanyang ama.

KASAYSAYAN NG BINUANGAN

KASAYSAYAN NG BINUANGAN

ni James Ian R. Ramos

Isang maliit na nayon ang napalilibutan ng tubig ang matatagpuan sa bayan ng Obando lalawigan ng Bulacan ang tinatawag na Isla Binuangan. Saan nga ba nagmula ang pangalan na Binuangan? Bakit ang islang ito ay tinawag na Binuangan?

Sa ilang daang taong pananakop ng mga Espanyol sa ating bansa maraming mga kaugalian, pamamahala, pananampalataya, kultura at tradisyon ang ating minana sa kanila at isa na rito ang pagkakaroon ng pangalan sa bawat lugar sa ating bansa, maliit man ito o malaki.

Noong ika-16 na daang taon, ipinag-utos ng pamahalaan ng Espanya na magkaroon ang lahat ng pulo ng pangalan alinsunod sa kautusan ng hari ng Espanya upang magkaroon ang bawat lugar ng pagkakakilanlan.

Isang isla na masasabi nating liblib at hindi mo aakalain na mayroong mayamang kultura at mayaman sa lamang dagat ang ating matatagpuan sa bayan ng Obando.

Noong unang panahon mayroon isang mamang bangkero na taga-Aklan ang naninirahan sa isla na nagngangalang Binu. Si Binu ay laging namamangka mula sa islang kanyang tinitirhan hanggang sa pampang upang magtinda ng isdang kanyang hinuli. Isang araw habang si Binu ay pauwi galing sa pagtitinda hawak-hawak ang kanyang mahabang kawayan upang gawing ‘tingen’ sa putik ng ilog upang umusad ang bangkang kanyang sinasakyan. Sa pampang naman ay may isang matandang lalaki ang kumukuha ng mga pangalan ng pook. Ang matandang lalaki ay sumigaw at nagtanong sa papalayong si Binu. “Magandang umaga po.” Sabi ng matandang lalaki. “Magandang umaga din po.” Sabi ni Binu. “Maari ko po bang malaman kung ano po ang pangalan ng lugar na pupuntahan mo?” pasigaw na sabi ng lalaki. “Ano? Hindi kita marinig!” sabi ni Binu. “Sabi ko! Ano ang pangalan ng lugar na pupuntahan mo.” Pag-uulit ng lalaki. “Pasensiya na hindi ko talaga maintindihan ang sinasabi mo.” Sabi ni Binu. “Ang sabi ko ano ang PANGALAN ng lugar na pupuntahan mo.” Sabi ng lalaki. Mukhang medyo naintindihan na ni Binu ang sinabi ng matandang lalaki. “Tama ba ang narinig ko tinatanong niya kung ano ang PANGALAN ko?” bulong ni Binu sa sarili. “Ahh manong, ang pangalan ko Binu.” “Ano ulit ang pangalan?” sigaw ng matandang lalaki. “BINU, Binu ang pangalan ko.” Sabi ni Binu. “Ahh, Binu angan sige salamat!” Hanggang sa tuluyan ng makaalis ang bangka ni Binu.

Sa pagtatanong ng matandang lalaki kay Binu. May isang ale ang nakarinig sa kanya. “Manong, narinig po kita na tinatanong kung ano ang lugar na pupuntahan nya. Maaari ko po bang malaman kung ano po ang pangalan?” sabi ng ale. “Ahh, sa Binu Angan. Binu Angan ang pangalan ng lugar.” Sabi ng matandang lalaki.

Kinabukasan muling bumalik ang matandang lalaki upang mamili ng isda sa pampang. May narinig siyang mga kababaihan na nasa umpukan at nagtatanong kung ano ang pangalan ng lugar kung saan nanggagaling ang matatabang isda, masasarap na talaba at tahong. Agad naming sumagot ang matandang lalaki sa mga babaeng nag-uusap, “Ahh ang pangalan ng lugar na yun ay Binu Angan.” Sabi ng isang matandang lalaki. Sa kabilang banda naman ay may kalalakihan na bisaya ang nagtatawanan dahil sa kanilang narinig na pangalan na lugar na “Binu Angan”. Narinig ng mga kababaihan sa umpukan ang pagtatawanan ng mga kalalakihan kaya agad nila itong tinanong. “Ahh, bakit kayo natatawa sa pinag-uusapan namin?” Sabi ng isang babae sa umpukan. “Ahh kasi taga-Cebu kami, sa lengwahe namin ang salitang Binu Angan ay nangangahulugan ng “Buwang ako o baliw ako.” Sabi ng isang lalaki. “Ahh ganun pala, bakit kaya Binu Angan ang pinangalan sa lugar na yun.” Sabi ng isang babae. “Baka maraming baliw sa lugar na yun.” “Hindi naman siguro kasi mukhang mababait naman ang mga taong pumupunta dito sa pampang galing sa kanilang lugar.” Sabi ng matandang lalaki.

Makalipas ang ilang taon. Binu Angan ang tinawag sa islang mayaman sa lamang dagat. Sa pagsasalin salin ng mga salita ay naunawaan din ng mga taga Binu Angan ang kahulugan ng pangalan ng kanilang lugar hanggang sa napalitan ito ng BINUANGAN.